LEGAZPI CITY – Nangangalap na rin ngayon ng tulong ang Diocese of Legazpi upang maipadala sa mga biktima ng bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas at Cavite.
Ayon kay Social Action Center Director Fr. Rex Arjona, inilunsad ang programang #MayonHeartTaal upang makapag-ipon ng cash at relief goods mula sa mga parokya.
Ibibigay aniya ang mga donasyon mula sa mga diboto sa mga social action center saka maghahanap ng paraan ang Diocese kung paano ito maipapadala sa mga lugar na apektado ng pag-aalburuto ng bulkan.
Paliwanag ni Arjona na ang naturang mga lalawigan ang nagpahatid ng tulong sa Albay sa kasagsagan ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon kaya ito na rin ang pagkakataon upang makaganti sa pagmamalasakit ng publiko.
Naramdaman aniya ng mga Bicolano ang pagmamahal ng mga ito noong ang lalawigan ng Albay ang nangangailangan ng tulong kaya nag-isip ng programa ang simbahan upang damayan ang mga apektado ng Taal volcano.