Ipagpapatuloy pa rin ng mababang kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon hinggil sa umano’y pinaboran na mga kontrata para sa flood control projects.
Iginiit ni House Minority Leader Danilo Suarez na mahalagang ipagpatuloy ang imbestigasyon na ito upang magkaroon na rin ng “closure” ang naturang pagdinig.
Nabatid na sa mga pagdinig na ito ng Kamara, anim na beses na hindi dumalo si dating Budget Secretary at ngayo’y Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno.
Kaya naman kung kinakailangan ay ipapatawag pa rin daw nila rito si Diokno para sagutin ang mga katanungan ng mga kapwa niya kongresista.
Para kay Paranaque Rep. Gus Tambunting, bagama’t qualified si Diokno na maging BSP chief, marapat lang na sagutin nito ang kanilang mga katanungan sa isyu.
Dapat din aniya na panagutin ito kung mapatunayang may anomalya sa kinukuwestiyon na mga proyekto.