-- Advertisements --
new CJ Peralta
IMAGE | Supreme Court welcomes it’s new Chief Justice after Pres. Rodrigo Duterte picked Associate Justice Diosdado Peralta among the three short-listed candidates, filling the seat vacated by then Chief Justice Lucas Bersamin/Bombo Jerald Ulep

Pormal nang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Associate Justice Diosdado Peralta bilang chief justice (CJ) ng Supreme Court (SC).

Ito ang inihayag ni SC spokesman Brian Hosaka sa ipinatawag nitong press conference ngayong hapon.

Si Peralta na pinaka-senior sa mga nominado sa pagka-CJ ay magreretiro sa Marso 27, 2022.

Ang bagong chief justice ay tubong Laoag sa Ilocos Norte.

Kung maaalala, pinalitan ni Peralta ang kapareho nitong Ilokano na si dating Chief Justice Lucas Bersamin na nagretiro noong Oktubre 19.

Si Chief Justice Peralta ang ika-26 na punong mahistrado ng Korte Suprema.

Nagsimula ang career sa gobyerno ni CJ Peralta nang magsilbi itong prosecutor ng Maynila hanggang sa naging Judge ng Quezon City Regional Trial Court (RTC). Umakyat ang posisyon nito sa pagiging justice ng Sandiganbayan noong 2002 nang italaga siya ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Kasunod nito ay naging presiding justice ng anti graft court bago naitalaga rin ng dating Pangulong Arroyo noong January 13, 2009 bilang isa sa mga mahistrado ng SC.

Magkaibigan ang mga ama nina Mrs. Arroyo at CJ Peralta na si dating Judge Elviro Peralta. Sa katunayan, sinasabing hinango ang pangalan ni CJ sa ama ni Arroyo na si dating Pangulong Diosdado Macapagal.

Sa pagsalang ni CJ Peralta sa public interview ng Judicial and Bar Council (JBC), sinabi nitong ang kanyang passion sa kanyang trabaho ang maaring dahilan kung bakit inaakala ng iba na isa siyang arogante dahil kalimitan anya niyang tinatanggihan ang mga gustong makipag-usap sa kanya na humihingi lamang ng iligal na mga pabor.

Ang maybahay ni Peralta ay si Court of Appeals (CA) Associate Justice Fernanda Lampas Peralta.

Si CJ Peralta ang ponente ng kontrobersiyal na desisyon ng SC na nagpahintulot na mailibig sa libingan ng mga bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong November 2016.

Si CJ Peralta ay miyembro noon ng Sandiganbayan special division na naghatol ng guilty noong 2007 kay dating Pangulong Erap Estrada sa kasong plunder. Bago ito, noong 2001, naipakulong na rin ni Peralta si Dominga Manalili dahil dahil sa plunder case na kauna unahang conviction sa naturang kaso.

CJ Peralta
SC Chief Justice Diosdado M. Peralta