Pormal nang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas kontra sa China kasunod ng insidente ng pagbangga at pag-abandona umano ng fishing vessel nito sa bangka ng mga Pilipinong naglayag kamakailan sa West Philippine Sea.
Ito ang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr., isang araw matapos ianunsyo ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang ulat.
“I fired off a diplomatic protest yesterday. I will proceed on the merits of the case and what it calls for while the matter is studied by the International Maritime Organization (IMO), ” ani Locsin.
Kung maaalala, umani nang pagkondena mula sa mga opisyal ng pamahalaan ang insidente dahil taliwas daw ito sa mabuting relasyon ng China at Pilipinas.
Batay sa ulat, 22 Pinoy ang lulan ng bangka na naka-angkla sa bahagi ng Reed Bank.
Kinumpirma ni Sec. Lorenzana na binangga ng Chinese vessel ang Filipino fishing vessel noong gabi ng Hunyo 9.
Nabatid lamang ng pamahalaan ang insidente matapos i-report ng isang mangingisda ang insidente.
Dahil dito, mariing kinondena ni Lorenzana ang insidente dahil hindi man lamang daw tinulungan ng Chinese vessel ang lumubog na fishing vessel na FB Gimver 1.
Batay sa report, noong mangyari ang insidente nakaangkla ang FB Gimver 1 nang banggain ito ng Chinese vessel.
Ayon sa DND, mabuti na lamang at may mga Vietnamese fishing vessel sa vicinity at ni-rescue ang mga mangingisdang Pinoy.
Inatasan na rin ng AFP ang BRP Ramon Alcaraz na irekober ang lumubog na fishing vessel at i-rescue ang mga crew nito.
Nanawagan ngayon ang kagawaran para magsagawa ng formal investigation kaugnay sa insidente at ang paghahain ng diplomatic steps para hindi na maulit ang insidente.
Nagpasalamat naman si Lorenzana sa kapitan ng Vietnamese fishing vessel sa ginawag pagtulong nito.