-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Ibinalik ng isang airline company mula China ang direct flight sa Kalibo International Airport.

Ayon kay Engr. John William Fuerte, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan, mayroong tatlong ruta ang Loong Airlines kung saan nagsagawa ito ng maiden flight kahapon mula Hangzhou, China patungong Kalibo sakay ang 171 na pasahero na pawang Chinese tourist papuntang Boracay.

Makalipas umano ang halos dalawang taon na natigil ang kanilang direct flight sa naturang paliparan dahil sa COVID-19, muling ibinalik ang kanilang biyahe sa pamamagitan ng chartered flight at inaasahang magiging commercial flight ito sa susunod na mga araw.

Sa Hulyo 4 ay sisimulan ang ruta sa Ningbo at sa Hulyo 6 naman sa Wenzhou na mag-ooperate ng tatlong beses bawat linggo.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa lima ang direct flight mula sa China.

Layunin nito na matugunan ang maraming bilang ng pasahero papuntang Boracay.

Bukod sa China ay patuloy pa rin ang direct flights sa ibang bansa gaya ng Korea at Taiwan.

Itinuturing ang Kalibo International Airport bilang isa sa pinaka-abalang paliparan sa buong bansa.