-- Advertisements --

Inaasahang magsisimula na ngayong taon ang direct flights sa pagitan ng Pilipinas at India.

Kaugnay nito, ipinahiwatig ni Indian Ambassador to the Philippines Shri Harsh Kumar Jain na nakikitang tataas pa ang people-to-people contacts sa posibleng pagsisimula na ng direct flights sa pagitan ng dalawang bansa sa susunod na mga buwan.

Bunsod nito, pinaplano ng flag carrier na Air India at IndiGo na makapag-cater ng tuluy-tuloy na flights.

Ang naturang development ay kasunod ng paglulunsad ng PH ng bagong hakbang para mapataas pa ang turistang Indian national na bumibisita sa bansa para maabot ang target sa gitna ng pagbaba ng Chinese arrivals.

Nauna ng sinabi ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco sa Indian Republic Day reception nitong Lunes na posible na magsimula na ngayong taon ang flights sa pagitan ng Manila at New Delhi base na rin sa nagpapatuloy na negosasyon sa pagitan ng mga kaugnay na ahensiya.

Aniya, base sa reports mula sa Department of Transportation, may malaking posibilidad na magkaroon ng direct flights sa Manila subalit isinusulong din aniya ng DOT na magkaroon ng flights na direkta sa iba pang mga destinasyon tulad ng Cebu at Clark.