ILOILO CITY – Ibinahagi ng Ilonggo filmmaker na director ng award-winning film sa 48th Metro Manila Film Festival nga “Nanahimik Ang Gabi” ang inspirasyon nito sa paggawa ng pelikula.
Ito ay si Shugo Praico, residente ng La Paz, Iloilo City at alumnus ng West Visayas State University sa kursong Mass Communications.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Praico, sinabi nito na inspirasyon nya sa paggawa ng pelikula ang mga magagandang pelikula na kanyang napanood sa iba’t-ibang production classes nang nag-aaral pa lang siya sa kolehiyo.
Matapos ang kolehiyo, nakipagsapalaran si Praico sa Metro Manila kung saan nagtrabaho siya bilang script writer sa mahabang panahon hanggang sa nakapagpatayo na sila ng kasamang mga direktor ng sariling production company.
Ang romance thriller movie na “Nanahimik Ang Gabi” ang nakakuha ng mga awards na Best Musical Score, Best Production Design, Best Supporting Actor, Best Actor at 3rd Best Picture.
Napag-alaman na naging director rin si Praico ng series na Bag Man at Betcin na pawang nakakuha ng citation sa Asian Academy Awards.