ILOILO CITY – Ipaparating ng director ng Social Action Center ng Archdiocese of Jaro sa Office of the Ombudsman ang reklamo kaugnay sa palpak na P680-million Ungka flyover sa Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Msgr. Meliton Oso, sinabi nito na hihilingin niya sa Ombudsman na magsagawa ng masinsinang imbestigasyon upang mapanagot maging ang kontraktor man ng proyekto na International Builders Corporation o ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways.
Una rito, sa sermon ni Oso sa Holy Mass sa Jaro Metropolitan Cathedral, hindi nito pinalampas ang umanoy kalbaryo ng mga Ilonggo dala ng matagal nang naumpisahang proyekto na hanggang ngayo’y nakatiwangwang lamang.
Nanggagalaiti ito sa galit sa umanoy inhustisya dahil nangagailangan pa ang proyekto ng karagdagang P250 million para sa repair bago pa man ito tuluyang mapakinabangan ng vehicular traffic sa Iloilo.
Hinikayat rin ng pari ang publiko na mag-demand sa Ombudsman ng imbestigasyon.
Matandaang bago kay Oso, isang opisyal rin sa Iloilo City Council ang nagsabing magsasampa ito ng Graft case at administrative case for gross neglect of duty laban sa kontraktor at sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways na involved sa proyekto.
May nakabinbin rin na resolution sa Kamara upang magsagawa ng imbestigasyon sa tatlong flyover projects sa Iloilo kabilang na ang P680-million Ungka Flyover na ngayo’y nangangailangan ng karagdagang P250-million mula sa bulsa ng publiko.