CAUAYAN CITY – Labis na nagpapasalamat ang regional director ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region 2 sa lahat ng mga nagtitiwala sa kanya dahil kung hindi dahil sa kanila ay hindi siya mapaparangalan bilang Outstanding Educational Leader sa ginanap na International Education and Summit Award sa Bangkok, Thailand.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Demetrio Anduyan ng TESDA Region 2, sinabi niya na nagkaroon ng International Education and Summit Award sa Bangkok, Thailand at kumuha sila ng mga nominasyon sa iba’t ibang mga bansa para sa mga outstanding educators.
Aniya, na-nominate siya ng mga dati niyang estudyante sa pagtuturo niya sa Isabela State University (ISU) ng 20 taon kaya kinuhanan siya ng mga datos at impormasyon sa kanyang mga ginagawa ng siya pa lamang ay nasa ISU hanggang ngayon na siya na ang regional director ng TESDA Region 2.
Nakatanggap siya ng award dahil sa kanyang mga programa tungkol sa mga sumukong New People’s Army, project sagip para sa mga indigenous people, at pagbibigay ng pagsasanay sa mga magsasaka maging ang mga nakapiit sa kulungan.
Ayon kay Director Anduyan, 150 na mga educators ang lahat ng mga nabigyan ng parangal na mula sa libu-libong nominees sa humigit-kumulang 20 bansa.
Ginanap ito noong February 25 subalit hindi siya ang mismong nakatanggap sa kanyang parangal dahil nang umuwi siya pagkatapos ng kanilang pagpupulong sa Metro Manila para sana magpa-check up dahil sa kanyang ubo at sipon ay pinayuhan siyang magpa-confine ng doktor kaya kinuha na lamang ito ng kanyang kaibigan na mula rin sa TESDA na taga-Camarines Sur.
Sa ngayon ay nasa central office na nila ang kanyang parangal.