BACOLOD CITY – Habang may iniindang karamdaman ay naging abala sa pagtapos ng fantasy movie ang award-winning director at itinuturing na “Titan of Philippine Cinema” na si Peque Gallaga bago pa pumanaw nitong Huwebes dahil sa iba’t ibang komplikasyon.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Bacolod kay Direk Jo Macasa ng Gallaga-Reyes Films at sa isa din sa magagaling na direktor ng Pilipinas, kinakalungkot nila na hindi na masasaksihan ni Direk Peque ang pinaghirapan nitong pelikula.
Dagdag pa ni Direk Jo na kasunod ng “Magic Temple” at “Magic Kingdom” ay ipapalabas ang isa pang fantasy movie na “Magic Land” tungkol sa mga kabataan na nais tumuklas ng layunin sa buhay.
”Siyempre alam natin na ang galing-galing niya talaga sa fantasy, sobra. Itong Magic Land is done, nasa finish line na din yong movie but then yon na nga hindi na niya talaga natapos. Itong movie na to parang ito na yong final offering niya. Baby niya talaga to, so… oh my God, how so sad he won’t be here with us pag pinalabas. It will be different watching it without him”
Ang Magic Land ay istorya ng mga kabataang hinahanap ang kanilang layunin sa buhay sa pamamagitan ng pagpunta sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Magugunitang ang Magic Land ay hindi naihabol ni direk Peque sa 2018 Metro Manila Film Festival dahil sa hindi pa niya natapos ang principal photography.