-- Advertisements --

Natanggap na ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit ang direktiba ng Department of Justice (DoJ) na umpisahan na ang imbestigasyon sa hindi umano otorisadong paggamit ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine dito sa bansa.

Inatasan nga ni Justice Sec. Menardo Guevarra si NBI Officer-in-Charge (OIC) Eric B. Distor na magsagawa na ng imbestigasyon sa napaulat na importation, sale, pag-aalok ng naturang gamot, distribution, administration at inoculation ng COVID-19 vaccines na hindi pa naman otorisado o rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas.

Kapag nakitaan ng ebidensiya, ang NBI na raw ang bahalang maghain ng kaukulang kaso laban sa lahat ng taong sangkot at napatunayang responsable sa iligal na importasyon ng mga bakuna.

Mahigpit din ang direktiba ng DoJ kay Distor na magsumite ng report kaugnay ng progress ng imbestigasyon at agad isumite sa mismong Office of the Secretary sa loob ng 10 araw.

Sa naturang order, hindi naman nabanggit ang Presidential Security Group na sinasabing nakatanggap ng bakuna.