Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na kanilang tinutugunan ang dalawang pangunahing direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mental health, psychosocial preparedness, at health literacy sa mga estudyante at mga guro.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na naatasan ang kagawaran na bumuo ng mga hakbang para mapabuti pa ang mental health at psychosocial preparedness ng mga teacher at mag-aaral dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ng kalihim, may specific instruction sa kanila ang Pangulong Duterte na bigyang kahalagahan ang health literacy.
Bago pa man din aniya ang COVID-19, humarap na rin daw sila sa iba’t ibang sakit gaya ng SARS, AIDS, at flu.
“Iyong health literacy…nakaembed ‘yan sa ibat-ibang subjects ng ating mga bata from K-to-12,”
Karaniwan na rin umanong ginagawa ng DepEd ang pagsasagawa ng psychosocial orientation at adjustments para sa mga teacher at estudyante tuwing may sakuna at iba pang mga panganib.
Ani Brones, makatutulong ito sa mga mag-aaral at mga guro na harapin ang anumang nakakabagabag sa kanilang kapakanan.
“May nagsasabi nababahala sila dahil tumataas ang rate ng suicide sa mga bata at sa mga adults kaya nagbigay ng instruction ang Presidente. Sa totoo lamang on record sa amin dalawang kaso ng bata nawalan ng buhay tinitingnan kung ano ang dahilan kung saan ito nanggagaling,” ani Briones.
Sa usapin ng mental health, nagsagawa ang ahensya ng serye ng mga psychosocial intervention sa nakalipas na dalawang buwan hindi lamang para sa mga estudyante kundi pati na rin sa mga teachers, staff, at executives.
“So halos araw araw may schedule tayo na webinar para sa iba-ibang grupo ng mga citizens na naghaharap ng mga siguro masasabi nating psychosocial issues dahil sa threat nga ng pandemic na ito,” anang kalihim.
“So we’d like to assure everyone that we are implementing, we have been implementing the latest mandates of the President, dagdag nito.