Malugod na tinatanggap ng Teachers’ Dignity Coalition ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay incoming Department of Education Secretary Senator Sonny Angara na palakasin ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Benjo Basas, TDC National Chairperson, itinuturing ng kanilang grupo na isa itong makabuluhang hakbang sa kanilang adbokasiya na ibalik ang Kasaysayan ng Pilipinas bilang isang hiwalay na asignatura sa kurikulum ng mataas na paaralan.
Ipinunto ni Basas na ang pahayag ng pangulo ay nagpapakita ng dalawang kritikal na isyu: unan ay ang nilalaman ng kurikulum at pangalawa ay ang mga pamamaraan ng pagtuturo.
Naniniwala ang grupo na ang pamamaraang ito ay makatutulong sa mga mamamayan na maunawaan ang kahalagahan ng kalayaan, kapayapaan, katarungan, karapatang pantao, at panuntunan ng batas, habang pinapaalalahanan din ang mga kabataan at mamamayan na huwag nang ulitin ang mga pagkakamali ng nakaraan.
Iminumungkahi din ng TDC ang paglalaan ng sapat na pondo upang magbigay ng sapat na mapagkukunan, tulad ng mga naka-print na libro at iba pang materyales sa pagbabasa sa parehong pisikal at digital na mga format, interactive na laro, audio-visual na mga aralin, at maging ang mga pasilidad sa pag-aaral.