Suportado ni House Committee on Bases Conversion Chairman at Zambales 1st district Rep. Jay Khonghun ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.na paigtingin ang laban kontra smuggling ng tobacco at vape products para sa proteksyon ng kalusugan ng publiko at pagtalima sa batas.
Nanawagan si Khonghun, sa lahat ng ahensya ng pamahalaan gaya ng Departments of Finance (DoF) at Trade and Industry (DTI) na tulungan ang Pangulo dahil malaking banta ang smuggling sa ekonomiya ng bansa.
Giit pa ng House Assistant Majority Leader ang pagpupuslit ng tabako at vape ay hindi lang banta sa kalusugan ngunit may epekto rin sa mga lehitimong negosyo at kita ng pamahalaan.
Iginiit din ni Khonghun ang pangako ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na puksain ang lahat ng uri ng pagpupuslit lalo na sa produktong agrikultural na prayoridad ng Kamara de Representantes.
Kumpiyansa ang mambabatas sa pagsisikap ng administrasyon na tugunan ang isyu sa pamamagitan ng maigting na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan, law enforcement at iba pang stakeholder.
Nangako ang kinatawan na patuloy na itutulak ang mga lehislasyon para tuluyang masugpo ang smuggling at masiguro ang kapakanan ng mga Pilipino.
Sa ika anim na Private Sector Advisory Council-Agriculture Sector Group (PSAC-ASG) meeting sa Malacañang nitong Miyerkules ay binigyang halaga ng Pangulong Marcos ang anti-smuggling measures ng gobyerno.
Siniguro naman ni Special Assistant to the President on Economic at Economic Affairs Frederick Go na ang DTI Consumer Protection Group ay magtatalaga ng sapat na tauhan para bantayan ang vape industry.
Ilan naman sa rekomendasyon at polisiya na iminungkahi ng PSAC-ASG para protektahan ang tobacco industry ay ang paglalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ng pondo sa ilalim ng R.A. 4155 para sa National Tobacco Authority (NTA) Sustainable Tobacco Enhancement Program (STEP).
Pinasasama rin nito ang tobacco products sa amyenda sa Anti-Agri Smuggling Act of 2016.
Nais din ng konseho na magtakda ng minimum retail price (MRP) at parusa sa mga mamamahagi at magbebenta ng ipinuslit na produkto.
Nanawagan din ito sa Department of Trade and Industry (DTI) na magtakda ng deadline sa pagpaparehistro ng mga importer at manufacturer ng vapor products at ang pagpapataw ng tax ng BIR sa mga ito.
Kabuuang 2.2 milyong Pilipino ang nakasalalay ang kabuhayan sa tobacco industry ng bansa.
Nasa 4% ng kabuuang kita ng pamahalaan ay mula sa tobacco excise tax o katumbas ng P135 bilyon nitong 2023.
Ang 50% ng koleksyon ng buwis ay inilalaan para sa Universal Health Care sa ilalim ng Department of Health (DOH) at PhilHealth, at para sa Health Facilities Enhancement Program.