Nagbigay na ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga LGU (local government unit) at iba pang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng kaukulang aksyon laban sa paggamit ng mga illegal firecrackers at indiscriminate firing para sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa isang statement, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Ano na inatasan na niya ang Philippine National Police (PNP) na doblehin ang monitoring at inspeksyon upang masiguro na hindi kakalat sa merkado para wala ring gagamit o madidisgrasya dahil sa mga iligal na paputok.
Ayon pa sa opisyal, dapat siguraduhin ng PNP, Bureau of Fire Protection, at mga LGU ang mahigpit na pagsunod ng publiko sa mga ipinatutupad na alituntunin sa paggamit ng firecrackers.
Responsibilidad kasi aniya ng mga ito ang pagpapatupad ng national at lokal na mga polisiya sa paggamit ng firecrackers upang maiwasan ang kapahamakan na maaaring idulot nito.
Inatasan din ni kalihim ang PNP na agad arestuhin ang sinumang makikitaan ng paglabag sa mga alituntunin sa firecrackers.
Pagmumultahin ng nasa P20,000 hanggang P30,000 mahaharap sa anim na buwan hanggang isang taong pagkakakulong, kanselasyon ng lisensya at business permit, ang sinumang mahuling lumabag dito.