Inilahad ng isang Filipino director ang kanyang pasasalamat dahil isa ang kanyang underrated 2018 film na “Ang Pangarap Kong Holdap” sa mga nangunguna ngayon sa streaming giant na Netflix.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Direk Marius Talampas, ibinahagi nito na masaya sila na nabigyang pansin ang kanilang comedy-heist film ng Netflix para mapanuod ng mas marami pang mga Pilipino.
“Finally, nung lumabas sa Netflix, andami kaagad nanuod. Nakikita nila yung mga meme, mga viral video clips sa Facebook. Wala pang 24 hours sa Netflix, nag number 1 na agad kami sa Philippines, after a week, nasa top 10 pa rin kami. Masayang-masaya!”
Inamin naman ng director na hindi niya ikinagulat ang pag viral ng kanyang pelikula dahil nakita niya ang suporta ng mga tao sa mga Filipino indie films na kamakailan ay inilabas rin ng streaming service, tulad na lang ng isa sa mga award-winning films ni Direk Eduardo Roy Jr. na “Pamilya Ordinaryo”.
“Hindi ko masasabing nagulat ako, kasi nakita ko rin naman yung reception niya sa Facebook or sa YouTube. Alam ko na kaya rin naman niyang gumawa ng ingay. I expected na may chance din naman siya. Kasi before yung Holdap, number 1 for a long time yung ‘Pamilya Ordinaryo’. Doon ko nakita na yung mga pelikulang Pinoy na dating hindi pinapansin sa sinehan— kasi kalaban mo mga Hollywood movies sa sinehan— usually, hindi talaga pinapansin yung Pinoy movies. Pero ngayon, dito sa Netflix, atleast nagkaroon ng platform para mas maraming makapanuod sa Pilipinas. Salamat sa Diyos, nagkatotoo, nag number 1.”
Sinabi rin naman nito na noong na-release ang pelikula na pinagbibidahan nina Pepe Herrera, Jerald Napoles, Paolo Contis at Jelson Bay dalawang taon na ang nakakalipas ay hindi ito nabigyan ng pagkakataon na maipalabas sa maraming mga sinehan sa bansa, ngunit kahit ganoon ay nakakuha pa rin ito ng ilang mga taga suporta.
“Nagkaroon naman kami ng konting ingay [noong 2018]. Pero sobrang konti yung sinehan na nagpalabas [nung pelikula], tapos mabilis lang. Less than a week lang. Pero nakabawi kami sa mga micro cinemas, so nagkaroon kami ng maliit na cult following. May konting taong nakapanood pero gustong-gusto nila.”
May mensahe rin naman si Direk Marius sa mga kasamahan niya sa industriya ng pelikulang Pilipino ngayong may pandemiya.
“Hang tight. Makakasurvive din tayo. Lahat ng ito ay temporary. Nung nagkaroon ng pandemic, andami ding kasamahan sa industry na gumawa ng fundraising campaigns, para makapag provide sa mga maliliit na workers sa industry. Kapit lang. Soon enough, makakabalik kahit paunti-unti. Kapit lang. Makakasurvive din tayo.”