-- Advertisements --

Sinusuri na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad na isailalim sa Office of the President ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sinabi ng pangulo na mas magiging tutok ang pagtugon ng pamahalaan sa tuwing may kalamidad sa bansa kung nasa ilalim ito ng tanggapan ng pangulo.

Paliwanag ng punong ehekutibo, mas magiging madali nang magpahatid ng tulong at pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura at masigurong kumikilos ang mga lokal na pamahalaan kapag mismong ang tanggapan ng presidente ang magpapalakad sa sistema.

Sa lalong madaling panahon aniya ay isusulong niya ang hakbang na ito.

Sa ngayon, sinabi ng pangulo na ginagawa na ng mga ahensya ng pamahalaan ang kanilang pinakamabilis na pag-aksyon at hindi na aniya maaatasan pa ng national government ang mga ito na mas bilisan pa ang pagkilos, dahil baka ang kalidad ng serbisyo naman ang magkaroon ng problema.

Ayon sa pangulo, ang magagawa ng pamahalaan ay ibaba mismo ang mga tulong sa mga biktima, tiyakin ang mga imprastruktura, siguruhin na tumatakbo ang mga lokal na gobyerno at mayroong komunikasyon at enerhiya sa lugar.

Naipatutupad na aniya ito ng NDRRMC subalit, mas bibilis pa ang pagbababa sa mga aksyong ito at mas tatatag ang sistemà ng pagresponde kung nasa ilalim ng opisina ng presidente.

May mga nauna nang rekomendasyon at maging mga panukalang batas na nagsusulong na magtatag ng hiwalay na departamento para sa pagtugon sa kalamidad o ang pagtatag ng department of disaster resilience subalit patuloy na nakabitin ito sa Kongreso.