Binabantayan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) Disaster Response Team ang epekto ng pagsabog ng bulkang Kanlaon sa mga sugarcane farm sa Visayas.
Ayon kay SRA Board Member David Sanson, naka-alerto na ang disaster response team ng naturang ahensiya at binabantayan ang sitwasyon sa mga tubuhan.
Nakahanda na rin ang mga relief supply para sa mga sugarcane farmers na apektado sa naunang pagsabog. Nakapag-allocate na rin ang ahensiya ng kabuuang P4 million para sa iba pang emergency supplies na maaaring kailanganin.
Una nang ipinag-utos ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona ang pagpapalikas sa mga personnel na nakabase sa research facility ng ahensiya sa La Granja, Negros Occidental, matapos itong maabot ng matinding ashfall.
Tanging skeleton crew na lamang ang naiwan sa naturang pasilidad.
Nakahanda rin aniyang i-deploy ang mga sasakyan ng SRA kung kinakailangan, upang magamit sa paglikas at iba pang operasyon.
Samantala, kabilang sa mga binabantayan ng ahensiya ay ang apekto ng ashfall sa mga sugarcane plantation. Kabilang dito ang epekto ng abo sa mga dahon ng mga tubo at ang epekto nito sa mga lupaing tinatamnan.