-- Advertisements --

Naghain ng disbarment complaint laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang human rights group tulad ng KARAPATAN kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings (EJK) sa Korte Suprema ngayong araw ng Biyernes, Enero 17.

Sa inihaing reklamo, hiniling ng mga complainant na ma-disbar si dating Pangulong Duterte bilang abogado dahil sa umano’y mga paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) at Conduct unbecoming a lawyer o pagpapakita ng pag-uugaling hindi nararapat sa isang abogado.

Ayon sa isa sa mga complainant na si Atty. VJ Topacio, kanilang idinudulog sa pinakamataas na hukuman na tanggalan ng lisensiya bilang abogado ang dating Pangulo dahil sa buong termino aniya ni Duterte nakita ang pambabastos umano nito sa mga kababaihan at pagmumura na hindi aniya katanggap-tanggap.

Si Atty. VJ Topacio ay ang anak ng pinaslang na peace consultants ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na sina Agaton Topacio at Eugenia Magpantay na sinasabing biktima ng EJK sa ilalim ng Duterte administration.

Ang paghahain ng disbarment complaint laban kay ex-PRRD ay kasunod ng naging alok ng dating Pangulo sa kaniyang anak na si VP Sara Duterte na tumayong abogado nito sa lahat ng 3 impeachment complaint laban sa kaniya matapos tanggihan ng Bise-Presidente ang alok na tulong pinansiyal ng kaniyang ama bilang pambayad sa kaniyang magiging abogado kung sakali.

Sa paghahain naman ng naturang complaint, bitbit ng human rights advocates ang mga placard na may nakalagay na mukha ng dating Pangulo at may nakasulat na nag-aakusa kay Duterte na mamamatay tao at bastos na hindi umano karapat-daapt na abogado.

Maliban naman kay Atty. Topacio ang iba pang mga complainant ay sina Karapatan Secretary General Tina Palabay, Fr. Manuel Gatchalian, Bayan Secretary General Raymond Palatino, Hustisya Secretary General Ofelia Balleta, Llore Pasco, Rosenda Lemita, Liezel Asuncion, Lean Porquia, Saturnino Ocampo, Norma Dollaga, Orly Marcellana, Gabriela Dalena, J. Luis Burgos, Bonifacio Ilagan, Sr. Eleanor Llanes, at Tina-Agel Romero.

Samantala, ayon naman kay dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo, walang basehan para i-disbar ang dating Pangulo. Aniya, walang korte sa bansa ang nag-convict sa dating Pangulo sa anumang krimen kaugnay sa umano’y EJKs.

Sinabi din ni Atty. Panelo na pagdating naman sa mga pagmumura ng dating Pangulo, ito ay expression lamang o pagpapahayag ng kaniyang galit.