BAGUIO CITY – Nakahanda ng maipatupad ang mga discharge orders ng lahat ng mga kadete na responsable sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Gayunman, sinabi ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Lt. Gen. Noel Clement na hinihintay pa nila ang approval o kumpirmasyon mula sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte bago nila opisyal na ipatupad ang mga nasabing discharge orders.
Aniya, ito ay dahil ang mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) ay itinalaga ni Pangulong Duterte.
Maaalalang pinangalanan na ng Baguio City Police Office ang mga pitong suspek sa pagkamatay ni Cadet Dormitorio.
Pinangalanan ang mga ito na sina Cadet 3rd Class Felix Lumbag Jr., Cadets 3rd Class Shalimar Imperial, Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao, Cadet 3rd Class John Vincent Manalo, Cadet 2nd Class Christian Zacarias, Cadet 3rd Class Rey David John Volante at Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena.
Una nang sinabi ni resigned PMA superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista na ipinag-utos na ang separation from military service ng mga kadeteng sina Imperial, Lumbag at Sanupao.
Sa ngayon, nananatili sa supervision ng PMA ang mga nasabing kadete hangga’t walang order mula sa piskalya para sa paglipat sa mga ito sa Baguio City Jail.