LEGAZPI CITY – Duda si AKO Bicol (AKB) Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., sa pagbaba ng mga bumoto para sa mga party-list groups kasabay ng bagong format ng balota.
Paliwanag ni Garbin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mataas ang porsiyento ng disenfranchisement o hindi nakaboto sa mga party-list dahil marami ring hindi nakakaalam na nasa likod pala ng balota ang pagpipilian.
Sa hinuha ng mambabatas, nasa 30 hanggang 40 bahagdan ng mga kababayang Bicolano ang bigong makaboto sa party-list kaya’t hindi malabong ganito rin ang nangyari sa ibang lugar.
Aniya, consistent ang AKB sa una at ikalawang puwesto sa mga nagdaang surveys na may 6.72% na boto subalit dumausdos sa 4% na lamang.
Idagdag rin umano ang aberya sa maraming vote counting machines (VCMs) at SD (secure digital) cards, maging ang mahigit pitong oras na data log sa transparency server.
Kaugnay nito, hiling ng mambabatas sa House Committee on Electoral Reforms and Suffrage ang imbestigasyon at i-assess ang katapatan at kredibilidad ng nagdaang halalan.