-- Advertisements --

Tinitignang anggulo ngayon ng mga awtoridad bilang sanhi ng pagguho ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela ang stability ng disenyo nito at overloading.

Ayon kasi sa Department of Public Works and Highways (DPWH), solid steel beam ang ginamit upang suportahan ang tulay sa halip na mga cable strands.

Ang disenyong ito ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan ay kakaiba. Paliwanag ng kalihim na dapat cable strands ang ginagamit sa ganitong uri ng struktura dahil mayroon umanong tensile stress ito.

Maliban dito, tinitignan din ang posibilidad ng overloading sa tulay kayat gumuho ito.

Ayon sa kalihim, overstressed ang tulay. Kaugnay nito, pinaga-aralan ng ahensiya ang posibleng paghahain ng mga kaso laban sa posibleng sangkot na truck company.

Matatandaan, gumuho ang tulay noong Pebrero 27 matapos dumaan ang dump truck na nag-iwan ng 6 na sugatang indibidwal.

Ayon sa DPWH, kaya lamang ma-acommodate ng tulay ang hanggang 44 tonelada, na malayo naman mula sa bigat ng truck na nasa 100 tonelada.

Maaalala din na hindi agad binuksan sa publiko ang tulay dahil sa pagbabago sa disenyo nito.

Muli itong isinailalim sa retrofitting noong 2022 bilang pagtalima sa updated design code ng DPWH.

Natapos ang retrofitting noong 2024 at binuksan ang tulay noong Pebrero 1 ngayong taon subalit para sa limitadong bilang at magagaang sasakyan lamang.