Tiniyak ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na matibay ang pagkaka-disenyo ng bagong passenger terminal sa Clark International Airport (CIA).
Ito’y kasunod ng magnitude-6.1 na lindol sa Central Luzon kamakailan na nagdulot ng pagguho sa ilang bahagi ng main terminal ng paliparan.
Sa isang panayam sinabi ni BCDA president Vince Dizon na higit pa sa hinihingi ng Building Code ang disenyo ng bagong gusali ng CIA na kayang sabayan ang malakas na lindol.
Sa ilalim kasi ng batas, lahat ng itatayong building ay may kakayahan na tumindig sa 8.4-magnitude na lindol.
Kung maaalala, bumagsak ang kisame at nabasag ang ilang salamin ng departure check-in terminal ng CIA sa nagdaang lindol.
Kinumpirma ng BCDA na walang naitalang damage sa konstruksyon ng itinatayong bagong gusali na ngayon ay nasa 60-percent na raw buo.