-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kinumpirma ni Atty. Franklin Gacal, ang City Administrator ng General Santos City na hindi na itutuloy ang paglipat ng puno ng acacia sa ibang lugar.

Ito ang iminungkahi ng mga eksperto mula sa Department of Environment and Natural Resources(DENR) kasabay ng pagdiskubre na walang ugat mula sa puno nito ang maaaring makakasagabal sa pagtatayuan ng bagong city hall ng Gensan.

Ito umano ang dahilan kaya ipinag-utos ni Gensan City Mayor Lorelie Pacquiao na iwanang nakatayo ang nasabing puno ng acacia na ilang dekada na rin sa lugar.

Ayon pa kay Atty. Gacal, puputulin na lang ang ilang mga sanga nito na maaaring makaapekto sa pagtatayo ng bagong city hall.

Nagsimula ang usaping ito dahil umalma ang ilang environmentalists sa desisyon ng lokal na pamahalaan na magpapatayo ng bagong city hall subalit hindi napag-usapan ang posibleng kahahantungan ng puno ng acacia.

Bilang tugon, sinabi ng opisyal na gagawa na lamang ng bagong disenyo ng naturang building na hindi maaapektuhan ang heritage tree.