-- Advertisements --

Pormal ng inilunsad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang DISIPLINA MUNA campaign program nationwide.

Ginanap ang ceremonial launching sa City Hall ng Maynila na dinaluhan ng buong DILG family, Manila Mayor Isko Moreno, KBP Chairman Mr Herman Bazbaño at iba pang mga opisyal.

Layon ng nasabing kampanya para ibalik ang kultura ng disiplina sa mga tao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay DILG Spokesperson USEC Jonathan Malaya sinabi nito na ang “DISIPLINA MUNA” campaign ay may kaugnayan sa kanilang ongoing road clearing operations nationwide.

Nakikita kasi ng ahensiya ang kahalagahan ng disiplina ng bawat indibidwal para maging matagumpay ang kanilang programa.

Aniya, sa kanilang road clearing operations hindi lang mga LGUs ang dapat pukpukin kundi mahalaga din ang kooperasyon ng mga mamamayan.

Giit ni Malaya kapag may disiplina ang mga tao hinding hindi na ang mga ito babalik sa mga kalye.

” Ito kasi ang tugon namin sa hamon ng ating mga kababayan na masustain natin yung road clearing operations kasi natutuwa sila na madami ng mga kalsada sa ating bansa ang na clear ng mga obstruction, ngunit may nagrereklamo na parang bumalik sa dati so may mga nagsibalikan yung kaayusan. Kami sa DILG nag-isip isip kami lagi na lamang ba tayo na mananakot na magsususpinde ng mayor ng kapitan when in fact isa sa malaking may problema ay yung tao mismo,” wika ni USEC Malaya.

Binigyang-diin naman ni Malaya na mahalaga ang role ng media sa kanilang kampanya kaya nakipag ugnayan sila sa Kapisanan ng mga Broadkaster sa Pilipinas sa pamumuno ni KBP chairman Mr. Herman Bazbaño na siya ring VP for AM Operations ng Bombo Radyo Philippines.

Ayon kay Malaya, tiniyak ni Mr. Bazbaño ang suporta ng KBP sa DILG sa kanilang adhikain na ibalik ang kultura disiplina ng mga mamamayan.