Inaprubahan at nakatakdang magkabisa sa Metro Manila ang panukalang diskwento sa pamasahe para sa mga public utility vehicles (PUVs) sa susunod na buwan.
Sa pagpapatupad nito, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na babalik sa P9 ang pamasahe sa mga tradisyunal na jeepney.
Ito’y kapareho ng pamasahe bago tumama ang pandemya sa bansa at bago ipatupad ang pagtaas ng pamasahe.
Sa kasalukuyan, ang bayad sa transportasyon para sa mga modernized jeepney ay nasa P11 habang ang pamasahe sa bus ay babawasan ng P3 hanggang P4.
Gayunpaman, ang mga rate ng UV Express, ay kasalukuyan pa ring pinag-aaralan.
Ang mga pinababang singil ay magkakabisa sa loob ng anim na buwan at ipapataw muna sa Metro Manila bago ang mga kalapit nitong lalawigan.
Ang mga bawas na pamasahe ay pansamantala at ititigil kapag naubos na ang P2 billion na pondo para sa service contracting program ng LTFRB ngayong taon.
Inirekomenda ng Department of Transportation (DOTr) ang “fare discounts” sa mga commuters na sakay ng public utility vehicles kapalit ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel.