Minamadali na ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang imbestigasyon at pagsusumite ng rekomendasyon kaugnay sa kaso ng pulis na namaril na mag-ina sa Paniqui,Tarlac.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, 30 araw ang target nila para sa dismissal case ni Paranaque police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca.
Paliwanag ni Triambulo, aminado naman ang suspek at sumuko ito pagkatapos ng krimen kaya kumpyansa syang mapapadali ang pag alis dito sa serbisyo.
Batay sa record ng IAS, naharap na sa maraming kaso ang pulis sa 10 taon nito sa serbisyo.
Kasama na rito ang 2 kaso ng homicide noong May at December 2019 pero parehong nabasura dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Una nang kinondena ni PNP Chief Police General Debold Sinas ang pagpatay at sinabing nagagalit sya sa ginawa ng pulis.
Sa ngayon, nahaharap sa double murder si Nuezca na walang awang pumatay sa mag ina.
Samantala, hindi inirekumenda ng korte na makapaglagak ng piyansa ang pulis na namaril patay ng mag-ina sa Paniqui,Tarlac.
Ayon kay PRO-3 Regional Police Director BGen. Valeriano De Leon, kahapon na inquest sa piskalya si PSMS Jonnel Nuezca at nai-raffle na rin ng korte kung sinong Huwes ang hahawak sa kaso nito.
Sinabi ni De Leon kahit nililitis na ng korte ang kaso ni Nuezca tuloy pa rin ang PNP sa pag-iimbestiga sa insidente ng sa gayon mabatid ang punot dulo ng pagbaril ng nasabing pulis sa dalawang indibidwal ang mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio.