Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating AFP comptroller Jacinto Ligot at ng kanyang mga kapamilya na i-dismiss ang P55-milyong forfeiture case na inihain laban sa kanila.
Ito’y matapos na hindi tanggapin ng Second Division ng anti-graft court ang joint demurrer to evidence na inihain ni Ligot at ng kanyang mga kapwa akusado noong Marso dahil sa kakulangan ng merito.
Nakasaad sa Rules of Court na maaari lamang ihain ng akusado ang demurrer to evidence matapos na makumpleto na ng prosekusyon ang paglalahad ng mga ebidensya.
Ayon sa anti-graft court, nagpresinta ang prosekusyon ng sapat na ebidensya upang maudyukan ang hukuman na ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso.
Sinabi rin ng korte na nasagot na raw sa mga nakaraang proceedings ang ilan sa mga alegasyon ng mga akusado gaya ng forum shopping o paghahain ng dalawang charges sa iisang kaso at sa umano’y paglabag sa Bank Secrecy Law.
Isa si Ligot sa mga dating heneral ng militar na nadawit sa “pabaon” scheme kung saan binabayaran ang mga outgoing officials para sa kanilang loyalty.
Nitong Abril nang mapatunayang guilty si Ligot sa anim na perjury cases habang napawalang-sala naman ito sa dalawa.