-- Advertisements --
salvador sal panelo palace
Sec. Panelo

Itinuturing ng Malacañang ma bakante na ang posisyon ni Deputy Ombudsman Melchor Carandang kasunod ng pagpapatibay ng Office of the President (OP) sa dismissal order laban sa kanya.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, maikokonsidera nang final and executory ang dismissal order kasunod ng pagbasura ng Office of the President sa motion for reconsideration na inihain ng deputy ombudsman.

Magugunitang nag-ugat ang dismissal order laban kay Carandang sa pahayag nito sa media na hawak ng kanyang opisina ang ilang bank transaction records ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang pamilya.

Pero ayon kay Sec. Panelo, bagama’t bakante na ang posisyon ni Carandang, nasa kamay na ni Pangulong Duterte ang desisyon kung magtatalaga siya ng kapalit agad ng deputy ombudsman o hintayin niya kung aakyat ang isyu sa Korte Suprema.

Ipinauubaya na rin daw ng Malacañang kay Ombudsman Samuel Martires ang desisyon kung ipatutupad ang dismissal order.

Una nang hindi kinilala ni noo’y Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang desisyon ng pangulo dahil wala daw hurisdiksyon ang Office of the President sa Office of the Ombudsman.