Gumamit umano si dismissed Bamban Mayor Alice Guo ng lookalike para makatakas sa mga awtoridad ayon sa source mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Una na ngang inusisa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si Guo noong Setyembre 5 habang nag-aantay ng clearance mula sa Immigration authorities sa Indonesia kung saan siya inaresto para maiuwi dito sa Pilipinas.
Dito, kinastigo ang dating alkalde kaugnay sa pina-notaryo niyang counter-affidavit sa reklamong qualified human trafficking gayundin ang napaulat na paggamit niya ng doppleganger at kaugnay sa inisyung NBI clearance sa kaniya.
Ipinakita din ni NBI Assistant Director for Investigation Service Lito Magno kay Guo ang isang larawan ng babae na hawig niya at tinanong kung siya ang nasa litrato.
Itinanggi naman ito ni Guo at sinabing isa sa kaniyang staff ang babaeng nasa larawan at pabirong sinabi na slimmer version niya ito.
Matatandaan na una ng sinabi ng NBI noong huling bahagi ng Hulyo sa isang pagdinig sa Senado na may sightings kay Guo sa Bulacan bago pa man iisyu ng Mataas na Kapulungan ang arrest order laban sa kaniya, subalit wala namang nakita o nahuli ang mga awtoridad nang puntahan ang naturang lokasyon.
Nauna na ring napaulat base sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na namataan umano si Alice Guo sa Emon Pulo beach resort sa Zambales noong July 14.
Subalit pinabulaanan naman ito ng may-ari ng resort na si Raymond Ronquillo. Aniya, posibleng napagkamalan lang nilang si Alice Guo ang frontdesk sa resort na kahawig ng dating alkalde. Bagama’t inamin ng resort owner na minsang nagtungo si Guo doon na may mga kasama subalit noon pang Marso ng nakalipas na taon.
Samantala, ipinaliwanag naman ni PAOCC spokesperson Winston Casio na humingi na siya ng despensa sa nangyari. Inihayag din ng opisyal na marami talagang kamukha ang dating alkalde subalit iginiit na ipinatupad lamang nila ang isang mission order o legal document para maaresto si Guo.