KALIBO, Aklan – Maaari pa umanong makabalik sa serbisyo si dismissed Mayor Ceciron Cawaling ng Malay, Aklan, sakaling paboran ng isang authority ang kaniyang apela na motion for reconsideration kaugnay sa perpetual disqualification na naging hatol sa kanya ng Ombudsman.
Ito ang naging paliwanag ni Department of Interior and Local Government (DILG)-Malay officer Mark Delos Reyes sa kasalukuyang sitwasyon ng bayan kung saan dalawa ang nakaupong alkalde.
Nagmamatigas kasi na bumaba sa puwesto ni Cawaling kahit nanumpa na si Vice Mayor Frolibar Bautista bilang acting mayor, habang si No. 1 Councilor Niño Cawaling ang umakyat sa puwesto bilang acting vice mayor.
Aniya, batay sa utos ni DILG Secretary Eduardo Año, temporary vacancy lamang ang mangyayari kaya may pagkakataon pa si Cawaling na makaupo bilang re-elected nayor at makasilbi sa mga mamamayan ng kanilang bayan.
Sa ngayon daw, kahit araw-araw pa pumasok sa kanyang opisina si Cawaling ay wala pa rin siyang power, benepisyo, suweldo at function, dahil ang tanggapan ng acting mayor ang otorisado sa lahat na mga transaction sa munisipyo.
Una rito, nanindigan si Cawaling na nasilbihan na niya ang dismissal order noong nakaraan niyang termino at sa ngayon ay may hawak siyang kaukulang dokumento kaugnay sa kanyang pagkapanalo at proklamasyon mula sa Commission on Elections ngunit hindi ito kinilala ng DILG dahil may perpetual disqualification order sa kanya ang Ombudsman.