Nakatakdang maghain ng apela para sa isang temporary restraining order si Dismissed Mandaue City Mayor Jonas Cortes sa Korte Suprema ngayong araw kontra sa implementasyon ng Commission on Elections para sa cancellation ng kaniyang certificate of candidacy.
Ngayong araw ganap na 2:00 pm ng hapon ay aapela sa Korte Suprema si Cortes para siya ay makatakbo sa national and local elections sa darating na Mayo 2025.
Ayon sa kaniyang inilabas na pahayag, aapela si Cortes para sa ‘fairness at impartiality’ na inaasahan niyang kaniyang matatanggap mula sa korte.
Nauna na dito ay nagbahagi si Cortes sa isang panayam na siya ay malinis at transparent sa kaniyang mga nasasakupan at wala aniya siyang tinatago kaya hindi aniya siya natatakot sa mga ibinabatong isyu sa kaniya ngayon.
Samantala, matatandaan naman na inanunsyo ng Second Division ng Commission on Elections na isa si Cortes sa mga kakanselahin ang COC dahil sa ‘material and false representation’ na base sa petisyon na inihain ni Atty. Ervin Estandarte.
Si Estandarte naman ang siyang umapela na si Cortes ay gumawa ng isang ‘serious act of misrepresentation’.
Tinitignan naman ng panig ni Cortes na maaaring may kinalaman sa ‘di umanoy pagpayag nito na ipagpatuloy ng SUPREA PHILS. Development Corp. ang mga operasyon nito simula 2020 hanggang 2022.
Para naman kay Cortes, hindi na ito basta isyung political kung hindi personal na tirada na sa kaniya ng kaniyang mga katunggali sa posisyon.