Naibalik na sa bansa si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos itong maaresto sa Indonesia.
Sinamahan siya nina Interior Sec. Benhur Abalos at Philippine National Police Chief Rommel Marbil.
Bandang ala-1:00 ng madaling araw lumapag ang sinasakyang private plane ni Guo.
Una itong naitakda kahapon, ngunit dahil sa ilang pagsasa-ayos ng proseso sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia ay bandang gabi na nakaalis ang team na sumundo sa sinibak na alkalde.
Matatandaang May 22, 2024, huling nakita sa Pilipinas ang dating alkalde nang humarap siya sa Senado ukol sa imbestigasyon ukol sa kaugnayan nito sa POGO operations.
Noong unang linggo ng Hulyo, sinuspinde siya bilang mayor.
Matapos ito ay tumakas si Guo, kasama sina Wesley Guo, Shiela Guo at Casandra Ong.
Pagsapit ng Hulyo 18, 2024, sinasabing nakapasok ang grupo nito sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Hulyo 21, 2024 naman nang sumakay ito sa flight patungong Singapore, kung saan siya nanatili ng halos isang buwan.
Agosto 18, 2024 nang umalis sila sa Singapore at tumuloy sa Batam, Indonesia.
Agosto 19, 2024, inanunsyo ni Sen. Risa Hontiveros na nakakuha siya ng impormasyon na nakaalis na ng bansa ang dating alkalde.
Agosto 20, 2024, naaresto sila Shiela at Casandra sa Batam.
Setyembre 3, 2024 naman nang damputin ng Indonesian authorities si Alice sa isang villa sa Greater Jakarta.