-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan sa Kamara ng ilang mambabatas ang anila’y “disorganized” voting system sa ibang mga bansa sa unang araw ng overseas absentee voting para sa 2022 elections.

Inihain nina Representatives Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite ang House Resolution No. 2554 para paimbestigahan sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na silipin ang mga reklamo ng mga botante sa ibang bansa, kabilang na ang kakulangan sa vote counting machines.

Tinukoy ng mga ito ang sitwasyon sa Hong Kong kung saan ilang libong botante ang hindi na-accommodate sa unang araw ng overseas absentee voting dahil limang VCMs lamang ang available mula sa Commission on Elections.

Kung mas marami sanang VCMs ang naipadala ng Comelec sa Hong Kong naging mas mabilis din sana ang voting process at hindi rin gaanong hahaba ang pila.

Bukod dito, dapat nakonsidera rin ang iba pang mga hakbang tulad ng pag-schedule sa mga botante at palawigin ang voting hours.

Bukod sa kulang ang bilang ng VCMs, sinabi rin ng mga mambabatas na mayroong issue sa umano’y pre-shaded na mga balota, na ibinigay sa mga botante.

Iginiit ng mga kongresistang ito na dapat tiyakin ng Kongreso na walang malawakang disinfranchisement sa overseas absentee voting kaya marapat lamang na maimbestigahan ang mga puntong kanilang tinukoy.