Hinimok ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) si Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang mga displaced overseas Filipino workers (OFWs) sa social amelioration at adjustment programs na nakapaloob sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Sinabi ni TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza na 169 OFWs na ang tinamaan ng COVID-19 at dalawa sa mga ito ang tuluyang binawian ng buhay.
Bukod aniya sa pag-aalala sa kalagayan ng kanilang mahala sa buhay, iginiit ni Mendoza na nawala rin aniya ang pinagkukuhanan ng mga ito ng kanilang kita.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, binibigyan ng karagdagang kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para sa COVID-19 response ng pamahalaan, kabilang na ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa 18 million mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng expanded 4Ps ng DSWD, TUPAD ng DOLE at COVID-10 Adjustment Measures Program (CAMP).
Pero sinabi ni Mendoza na na hindi kasama rito ang budget augmentation para sa livelihood at employment assistance para sa mga displaced OFWs.
Kaya naman hinimok nito ang Pangulo na maglaan ng pondo para sa subsidy ng mga OFWs at taasan ang alokasyon sa mga ito sa halagang P10,000 hanggang P15,000 kada buwan sa buong duration ng enhanced community quarantine.