-- Advertisements --
image 198

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na prioridad pa lalo nila sa 2023 budget ang displaced workers.

Pahayag ito ng ahensya, kasunod ng pangamba ng mga trabahador na hindi na sila mabigyan ng benepisyo dahil nagbabalik na sa normal ang takbo ng kalakalan.

Una rito, inaprubahan ng Senate Finance Subcommittee ang panukalang P25.899 billion budget ng Department of Labor and Employment para sa taong 2023. Kung saan, kabilang sa hinihiling na budget ang P14.884 billion para sa tulong panghanap buhay sa mga disadvantage o displaced workers program para sa 1.773 milyong benepisyaryo.

Habang P2.5 billion naman para sa DOLE Integrated Livelihood Program para matulungan ang 79,836 na benepisyaryo at P2.374 billion para sa Employees Compensation Program para sa 327,890 benepisyaryo.

Ayon kay DOLE Undersecretary Benjo Benavidez, ang 2023 proposed budget ng kagawaran ay P11 billion o 29.9% na mas mababa kumpara noong taong 2022.

Sa ilalim ng panukalang budget ang Professional Regulations Commission ay makakakuha ng P1.6 billion, ang National Labor Relations Commission ay tatanggap ng P1.382 billion, ang National Conciliation and Mediation Board ay magkakaroon ng P275,591, habang ang National Wages and Productivity Commission ay P271,402 at ang Institute for Labor Studies ay P55,586 lamang.