-- Advertisements --
image 759

Posibleng madagdagan ang bilang ng mga disqualification case na inihahain ng Commission on Elections laban sa tumatakbong kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.

Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, posible pang umakyat sa mahigit isang libong disqualification cases ang isampa ng komisyon laban sa ilang mga kandidato ng nasabing halalan.

Paliwanag ni Garcia, habang papalapit kasi ng papalapit ang gaganaping BSKE ay araw-araw din ang kanilang paghahain ng mga disqualification cases laban sa mga kandidatong lumalabag sa mga itinakdang panuntunan ng Comelec.

Kung maaalala, una nang nagsampa ng 35 disqualification cases ang komisyon laban sa mga kandidatong sangkot sa premature campaigning.

Matatandaan ding umabot na sa halos 3,600 na mga kandidato sa BSKE mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang naisyuhan nito ng show cause order, kung saan 600 dito ang nagreply na sa komisyon, habang nasa 100 naman ang nakitaan nila ng ground para ipa-disqualify.