-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Deparment of Education (DepEd) na mananatili pa rin ang pagpapatupad ng distance learning kahit na pahintulutan na ng pamahalaan ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa piling mga lugar sa bansa.

Ayon kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, bibigyan pa rin ng pagkakataon ang mga magulang na makapamili ng klase ng pagtuturong nais nila para sa kanilang mga anak habang may umiiral pang pandemya.

Sa ngayon, patuloy lamang aniya ang paghahanda ng kagawaran para sa muling pagpapatupad ng face-to-face classes sa bansa.

Sinabi ni San Antonio, mahalaga ito upang masiguro ang kahandaan ng Deped kahit na hindi kasama ang mga bata sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19.

Bagamat miyembro si Education Secretary Leonor Briones sa Inter-Agency Task Force (IATF), tatalima lamang ang DepEd sa kung ano ang magiging rekomendasyon ng IATF at ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw din nito na ang ipatutupad sa mga local government units na may mababang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay pilot testing o dry run lamang.