-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng pampublikong paaralan na ipatupad ang asynchronous classes o distance learning sa Lunes, Abril 15 hanggang 16.

Sa inilabas na advisory ng ahensiya, ipinaliwanag nito na sa 2 araw na distance learning mabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makumpleto ang nakabinbin pang requirements gaya ng assignments at projects sa gitna ng nalalapit na pagtatapos na ng school year 2023-2024.

Gayundin ang mga teaching at non-teaching personnel sa lahat ng public schools ay hindi imamandatong mag-report sa kani-kanilang istasyon.

Ang mga aktibidad naman na inorganisa ng Regional at Schools Division offices ay hindi kasama sa direktiba at maaring magpatuloy pa rin sa kanilang schedule.

Hindi rin kasama sa direktiba ang mga pribadong paaralan subalit mayroon silang option kung ipapatupad din ang parehong direktiba.

Ginawa nga DepEd ang naturang anunsiyo sa gitna pa rin ng patuloy na nararanasang mainit na panahon sa ilang mga lugar sa bansa na nagresulta sa suspensiyon ng in-person classes at nag-shift sa alternative modes of education.