Maling sabihin na ‘sniper’ ang bumaril patay kay Tanuan City Mayor Antonio Halili nuong Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Army 2nd Infantry Division Commanding General MGen. Rhoderick Parayno, hindi ‘conclusive’ na sniper ang tumira sa alkalde.
Ayon kay Parayno, may maling “connotation” o kahulugan kasi kapag sinabing sniper ang bumaril dahil maaaring pulis o sundalo agad ang magiging suspek.
Ayon kay Parayno ang distansiya kung saan pumwesto ang gunman ay hindi sa kategorya para sa isang sniper.
Paliwanag ng heneral, may tatlong level na dapat tignan bago sabihin na sniper ang may kagagawan.
Aniya, ang unang level ay ang marksman, pangalawa sharp shooter at pangatlo ay ang expert level na siyang kategorya na ng sniper.
Aminado si Parayno na mahirap maging sniper, dahil pinag-aaralan ito ng maige.
Ayon kay Parayno, ang 76.8 meters na distansiya ng gunman na nakabaril sa alkalde ay napakalapit ibig sabihin kayang kayang gawin ito ng isang professional shooter.
At kapag nasa 200 meters naman ang distansiya  maituturing na sharp shooter ang gunman.
Una ng sinabi ni PRO-4A Calabarzon regional police director CSupt. Edward Caranza, na isang highly skilled na gunman ang may kakagawan sa pagpatay kay Mayor Halili.
Tatlong persons of interest ang iniimbestigahan ng PNP, pero hindi kasama dito ang isa umanong heneral na naka-away ng alkalde.