VIGAN CITY – Laking pasasalamat ng isang distressed OFW (overseas Filipino worker) na tubong Barangay Tay-ac, Bantay, sa Bombo Radyo Vigan at kay Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson.
Ito’y matapos nakauwi na ang OFW na si Mely Hayuwon sa kanilang barangay matapos ang hirap na kanyang pinagdanaan habang siya ay naka-quarantine.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Hayuwon, sinabi nitong isa at kalahating buwan ang ginugol nitong pag-quarantine matapos makauwi dito sa bansa noong April 7.
Aniya, masakit ang pagpapalayas sa kanya ng isang staff sa Conrad Hotel sa Pasay kung saan sinabihan daw ito na tapos na umano ang kontrata ng Overseas Workers Welfare Administration sa kanilang hotel.
Pagod at gutom ang naramdaman ng nasabing OFW dahil napilitan itong maglakad mula Conrad Hotel hanggang napadpad sa Vito Cruz noong May 30, kaya nama’y napagtulong siya sa Bombo Radyo Vigan.
Dahil diyan ay naipaalam kay Gov. Singson ang kalagayan ni Hayuwon kaya agad na nasundo at noong May 31 ay nakauwi na ito dito sa probinsya at kasalukyang naka-quarantine na sa kanilang barangay.