-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Itinigil pansamantala ng Department of Education (DepEd)-T’boli District sa South Cotabato ang pamamahagi ng learning modules sa mga paaralan.

Ito ay ayon sa inilabas na direktiba ni Mayor Dibu Tuan sa mga pinuno ng paaralan.

Nakasaad ang temporaryong pagsuspende ng distribusyon simula Oktubre 11 hanggang 16 dahil sa mga nasirang daan dulot ng mga pag-ulan nitong nakalipas na mga araw at ang pagtaas ng bilang ng nagpositibong kaso ng COVID-19 sa nabanggit na bayan.

Ayon kay Mayor Tuan, layunin nito na masiguro ang kaligtasan ng mga guro at mga mag-aaral habang tinututukan naman ng local government unit ang rehabilitasyon ng mga sirang daan at ang umaakyat na kaso ng deadly virus.

Kaugnay nito, mabibigyan naman ng sapat na panahon ang mga guro upang makapag-print ng kanilang educational materials.