-- Advertisements --

Tiniyak ng Commission on Human Rights (CHR) na makakatanggap pa rin ng bayad danyos ang ilang martial law victims na bigong maipapalit sa bangko ang kanilang mga natanggap na cheke noong nakaraang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo inamin ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia na may ilang claimant ang hindi na naipa-encash ang kanilang mga cheke matapos mag-sara ang dating nangangasiwa na Human Rights Victims Claims Board.

Bukod dito, may ilang pagbabago rin daw sa requirements na mas magpapadali sa mga biktima na makuha ang kanilang bayad danyos.

Kabilang na rito ang pagre-release muli ng bagong cheke sa mga bigong makapagpa-encash at pagpayag sa isang government ID bilang requirement sa pag-claim ng cheke imbis na dalawa.

Ani De Guia, may dalawang buwan pa para mag-asikaso ang mga claimants para hindi na muling magahol sa oras.

Ito’y dahil posibleng sa Mayo raw nila simulan ang distribution.
Nauna ng nilinaw ng CHR na hindi na sila muling magbubukas ng aplikasyon alinsunod sa pinirmahang resolusyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nage-extend dito.

Sa ilalim nito, muling sasalain ng CHR ang natitira mula sa orihinal na higit 75,000 approved applicants na hindi pa rin nabibigyan ng claims mula 2013.