VIGAN CITY – Nakatakda nang ipadala ng Commission on Elections (COMELEC) sa katapusan ng kasalukuyang buwan ang mga kagamitan para sa isasagawang May 13 midterm election sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, tiniyak ni COMELEC spokesman James Jimenez na sa loob ng tatlo hanggang apat na araw ay matatapos na ang paglilimbag sa mga balotang gagamitin para sa nasabing halalan dahil sa ngayon ay tanging ang mga balota para sa National Capital Region (NCR) na lamang ang hindi pa natatapos.
Una nang sinabi ni Jimenez na sa darating na April 15 ay inaasahan nilang matatapos na ang ballot printing na 10 araw na mas maaga kompara sa nauna na nilang target na April 25.
Ayon sa opisyal, hindi sila nagmamadali sa paglilimbag ng mga natitirang balotang kailangan dahil tiwala itong kaya ng National Printing Office na tapusin ito ngayong linggo.
Pagkatapos naman ng printing, sunod na tatrabahuin ng COMELC ang distribusyon ng mga gagamitin sa Mayo kung saan ang NCR muli ang panghuli nilang aasikasuhin dahil ito naman aniya ang pinakamalapit na destinasyon ng mga gagamitin sa halalan.