Posibleng makukumpleto na ng Department of Agriculture (DA) ang distribusyon ng P12 billion na cash assistance para sa mga magsasaka hanggang sa Setyembre, 2024.
Ang naturang halaga ay bahagi ng P20 billion na sobrang taripang nakulekta ng pamahalaan noong nakalipas na taon mula sa 3.6 million na tonelada ng bigas na inangkat.
Umabot noon sa P30 billion ang nakulektang taripa ng bigas mula sa mga imported rice.
Sa ilalim ng batas, maaaring gamitin ng pamahalaan ang nakukulektang taripa ng bigas na somobra sa P10 billion para sa ibat ibang programa, katulad ng cash assistance, land titling, crop diversification, at dagdag insurance para sa mga magpapalay.
Pinili naman ng DA na ipamahagi ang P12 billion na sobrang nakulekta mula sa taripa lalo na at sapat na umano ito para mabigyan ang kabuuang 2.384 million na mga magpapalay bilang mga benepisyaryo sa ilalim ng rice farmers financial assistance program.
Ang mga nagtatanim ng palay na may sinasakang mas mababa sa dalawang ektarya ay makakatanggap ng hanggang P5,000 bawat isa sa ilalim nito.
Ayon kay Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinapabilisan na ang pamamahagi ng cash assistance at target na matapos ang distribusyon sa buwan ng Setyembre.
Samantala, maliban sa cash assistance, ang natitirang nakulektang taripa ay nakalaan din sa ibang programa: P7 billion para sa crop diversification, at P1 billion para sa land titling.