Bagaman hindi pa dumarating sa Pilipinas ang 600,000 na bakuna kontra sa African Swine Fever(ASF) na bibilhin ng pamahalaan, inihahanda na ng Department of Agriculture ang plano para sa distribusyon ng mga ito.
Batay sa inisyal na plano ng ahensiya, 10,000 AVAC vaccine ang dagdag na ipapadala sa Batangas kasunod ng naunang roll out ng bakuna.
Ang mga ito ay pawang binili sa pamamagitan ng emergency procurement.
Karagdagang 150,000 dose ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa sa susunod na mga araw na planong dalhin sa mga probinsya ng La Union, Mindoro, North Cotabato, Sultan Kudarat, at Cebu.
Ang iba pang bulto ng bakuna na bahagi ng 600,000 dose na planong bilhin ng pamahalaan ay hahatiin sa mga lugar na una nang natukoy ng DA bilang mga red zone.
Sa ngayon, nananatiling apektado ng ASF ang 472 barangay mula sa 109 municipalidad at syudad.
Ang mga ito ay mula sa 31 probinsya sa buong bansa na pawang nasa ilalim ng red zone, batay na rin sa datos ng Bureau of Animal Industry.
Ang pagbili sa 600,000 dose ng AVAC vaccine ay pinondohan ng kabuuang P350 million.