Mariing pinabulaan ng mga nagsampa ng kaso laban kay House Speaker Martin Romualdez ang alegasyong ‘diversionary tactic’ lamang ang inihain nila sa opisina ng Ombudsman.
Ito ay nilinaw mismo ni Davao del Norte, 1st District Representative Pantaleon Alvarez matapos tanungin kung bakit ngayon lamang ito ginawa kasabay ng mga isyu sa kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Giit niya, ang pagsasampa nila ng mga kasong kriminal at kurapsyon kay Speaker Romualdez ay hindi para ibaling ang atensyon ng publiko kundi aniya mas nauna umano ang isyung ito kumpara sa iba.
Paglilinaw pa niya, wala umanong tamang oras o panahon hinggil sa paghahain ng mga ganitong uri ng kaso laban sa isang opisyal ng gobyerno.
‘Alam niyo yung sinasabi nilang timing, eh wala namang timing yung criminal case eh. Kung gumawa ka ng krimen, yun ang timing,’ ani Representative Pantaleon Alvarez ng 1st District, Davao del Norte.
Ayon naman kay Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga kasamang nagsampa ng kaso, pinag-isapan muna nila ito ng matagal dahil aniya, masyadong kumplikado umano ang inihain nilang kaso ngayong araw.
‘Actually matagal na po namin itong pinag-iisipan, kaya lang po kumplikado ang kaso so pinag-aralan pa po namin ito kaya ngayon lang po namin ginawa,’ pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio.
Dahil dito, kakaharapin ni House Speaker Martin Romualdez at ilan pang mga kasama ang mga kasong kriminal at kurapsyon matapos isampa ito sa opisina ng Ombudsman.