Tiniyak ni Divine Lee na nasa mabuting kondisyon pa rin ang kanyang pagbubuntis na nasa ika-anim na buwan na.
Ito’y kasunod ng kanyang pag-amin na siya ay naospital sa Cebu City matapos duguin dahil sa kondisyong tinatawag na Placenta Previa.
Ayon sa 39-year-old model/socialite video blogger (vlogger), ang naranasan nitong komplikasyon ay normal lang na pinagdadanan ng lahat ng nagdadalang-tao lalo na sa mga may isyu sa edad.
Hindi rin aniya ito dulot ng pagpapabakuna niya kontra Coronavirus Disease dahil naranasan na niya rin ang nasabing komplikasyon bago pa man maging “fully vaccinated.”
“It’s not preterm labor. I haven’t contracted kahit once. Some people are thinking it’s the bakuna. No. It’s not about the bakuna because I already had this before my bakuna. So I wanna make that clear. So tigilan niyo ako please,” wika ni Lee.
Sa paliwanag ng Mayo.org, ang Placenta Previa ay kapag ang placenta ng sanggol ay bahagya o tuluyang natatakpan ang cervix ng kanilang ina kaya nagdudulot ng pagdurugo.
Bagama’t inoobserbahan pa ang kanyang kalagayan, sa bahay na lamang nagpapalakas ang anak ng real-estate developer at Globe Asiatique president na si Delfin Lee.
Si Divine ay “happily married” sa Cebu retail magnate na si Blake Go at magiging tatlo na ang tsikiting.
Unang lumabas ang mga report na sa pamamagitan ng in vitro fertilization nabuo ang kanilang mga anak na ang dalawa ay edad tatlo at dalawang taong gulang pa lamang.
Noong nakaraang taon nang magpositibo sa COVID ang model/vlogger kung saan siya ay “asymptomatic” at naghinalang nakuha ang virus sa mga nahahawakan niya gaya ng pera at groceries.
Nito namang Hunyo nang makompleto nito ang second dose ng COVID vaccine sa kabila ng pagbubuntis.