CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang mataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Sukarno Guilil alyas Kumander Motorola,IED Bomb Expert,4th Division Commander at Chief of Staff ng BIFF.
Ayon kay Joint Task Force Central Commander at 6th Infantry (Kampilan) Division Chief Major/General Juvymax Uy na nakatanggap sila ng impormasyon sa presensya ng grupo ni Kumander Motorola sa Barangay Ganta Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.
Agad na nagsagawa ng combat operation ang tropa ng 6th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Charlie Banaag.
Papasok pa lang ang mga sundalo sa kanilang target ay pinaputukan na ito ng mga terorista.
Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang matataas na uri ng mga armas.
Umatras ang BIFF patungong Liguasan Delta at naiwan ang bangkay ni Kumander Motorola.
Narekober sa posisyon ni Guilil ang dalawang Granada at ibang mga personal na kagamitan.
Ang grupo ni Kumander Motorola ay sangkot sa pambobomba sa Maguindanao.
Si Guilil ay may warrant of arrest sa kasong double murder,multiple attempted murder, destructive arson at violation of the Anti-Terrorism Act of 2020.
“The neutralization of alias Motorola gives justice to all victims of BIFF atrocities. The lead given by the residents further shows their desire to end the said terror group,” ani Col. Pedro Balisi, Commander ng 1st Mechanized Brigade.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng Joint Task Force Central laban sa mga kasamahan ni Kumander Motorola sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.