Nakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga beterano, kaalyado at sa buong sambayanang Pilipino sa paggunita ng ika-77 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan o Day of Valor.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na ngayong araw, inaalala natin ang kabayanihan ng mga magigiting na sundalong Pilipino at Amerikanong magkabalikat na lumaban sa Japanese Imperial Army sa mga kabundukan at kagubatan ng Bataan sa pagtatanggol ng ating kalayaan at demokrasya.
Ayon kay Pangulong Duterte, ginugunita rin ngayong araw ang hindi mabilang na mga sibilyang tumulong sa ating pwersa para magkaroon ng magiting na depensa laban sa malaking pwersa ng mga mananakop.
Kaugnay nito, umaasa si Pangulong Duterte na magsisilbing inpirasyon ang kagitingan at kadakilaan ng ating mga ninuno at kanilang mga kaalyado sa ating pagtatanggol ng soberenya at proteksyon ng mga karapatan at kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino sa ngayon.
“As we hold this solemn observance, it is my hope that we will all be inspired to remain steadfast like our forefathers and their allies in upholding our sovereignty and in protecting the rights and freedoms that our people enjoy today,” ani Pangulong Duterte.